NAGA CITY -Sugatan ang apat na katao matapos ang karambola ng tatlong sasakyan sa Pamplona, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sinabi ni police Capt. Clarence Bacruya, hepe ng Pamplona Police Office na nangyari ang aksidente sa isang accident prone area.

Batay sa report ng pulisya, binabaybay ng isang Toyota Vios ang kahabaan ng southbound na papuntang Catandunes, habang nasa kabilang direksyon ang Nissan van at isang motorsiklo na papuntang bayan ng Libmanan.

Pero nawalan umano ng kontrol ang sasakyan sa southbound na minamaneho ni Richard Roxas hanggang sa kainin nito ang linya ng kotse at motor.

Sa lakas ng impact, bumangga ang van ni Jaymon Balane sa motor ni Michael John Vargas, na may sakay na backrider na si Elmer Vargas.

Agad namang itinakbo sa ospital ang mga driver ng sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.