-- Advertisements --
wushu 1
Wushu

Biyaheng semi-finals na ngayong araw ang apat na mga atleta ng Philippines Wushu Team matapos na naigupo nila ang kani-kanilang mga kalaban sa quarterfinals ng Wushu Sanda event kahapon sa World Trade Center, Pasay City na bahagi ng nagpapatuloy ng 30th Southeast Asian Games.

Pinangunahan ni 2013 SEAG Gold medallist Jessie Aligaga ang koponan matapos na napilitan ang referee na itigil ang laban sa Round 2 nang makita nitong hindi na nakakabawi ang Malaysian athlete na si Chee Chong Teh sa malalakas na suntok at sipa na pinatama ng Pinoy.

Makakalaban ni Aligaga sa semis ng Sanda Men’s 48-kg category ang atleta mula sa Vietnam.

Kinawawa rin ni Francisco Solis sa 56-kg category ang kalabang si Thein Htike ng Myanmar na pinakain nito ng malalakas na frontal kicks at makailang beses ring pinatumba dahil sa impresibong mga takedown ng Pinoy. Dahil dito, napilitan din ang referee na itigil ang laban ilang segundo na lang ang natitira sa second round.

Susuwagin naman ni Solis ang pambato ng Malaysia sa semis.

Mistulang pinaglaruan lang rin ni Clemente Pabatang Jr., sa 65-kg category si Jian Chong ng Malaysia na kanyang binaunan ng isang malakas na suntok sa ulo na labis na ininda ng kalaban at nag-udyok sa referee na bilangan ito kahit na hindi natumba.

Hindi na rin pinatungtong ng referee sa Round 3 ang Indonesian at ibinigay ang panalo sa Pinoy.

Haharapin ng 2015 SEAG Bronze medallist na si Pabatang sa semis ang mandirigmang nanggaling sa Myanmar.

Hindi naman nagpahuli sa kanilang koponan si Gideon Fred Padua sa kabila na medyo nahirapan pa ito sa kalabang Indonesian na si Bayu Putera sa 60-kg category.

Una rito, nalamangan ni Putera sa Round 1 ang Pinoy subalit umiba ang ihip ng hangin sa Round 2 kung saan nagpamalas si Padua ng kaniyang striking skills kasabay ng malakas na pag-udyok sa kaniya ng mga Pinoy fans upang mapwersa ang labanan sa Round 3.

Hindi na pinalagpas pa ni Padua ang huling round at pinaulanan na ng atake ang kalaban upang makuha ang desisyon ng mga hurado. Kakalabanin ni Padua ang atletang mula sa Thailand para sa silver medal round.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Aligaga na nagsisilbi ring playing coach ng koponan, inihayag nito na naging marching order daw sa kanila ng kanilang Chinese head coach na si Lei Zhang na huwag nang patagalin ang laban at tapusin na kaagad ang mga kalaban upang makapaghanda pa sila ng husto sa semis.

Aminado rin si Aligaga na malaking pressure para sa kanila ang paglaban sa harap mismo ng kanilang mga kababayan subalit hindi aniya sila magpapaapekto dito at gagawin ang kanilang lahat ng makakaya upang makapagbigay ng karangalan sa bansa.

Kampante rin siya na nasa magandang kundisyon ang kaniyang koponan dahil pinaghandaan din nila ng husto ang pagsabak sa SEA Games 2019. (Bombo Donnie Degala)