-- Advertisements --

Nakakulong na ngayon sa NBI Cebu Regional Office (CEBDO) ang apat na Nigerian nationals kasunod ng pag-aresto ng mga ito matapos na inakusahan ng pamemeke ng mga ID’s at government-issued documents.

Nangyari ang pag-aresto noong Lunes, Hunyo 13 sa isang subdivision sa Barangay Marigondon, Lapu-Lapu City kung saan ito naninirahan.

Inihayag ni NBI Central Visayas agent-in-charge Arnel Pura na humingi ng tulong sa ahensya ang umano’y Pinay na kasintahan ng isa sa mga naaresto matapos na mapilitan itong makipagtulungan sa pamemeke ng mga ID ng kanyang nobyo at mga government documents.

Kinilala ang mga suspek na sina Augustine Nkwocha, alyas Arlaed Klean Frank, 40 anyos; Tos in Samuel Oguntoye, 30 anyos; Chibuike Joseph Nwokoro, 31 anyos; at Christopher Kenechukwu Okeke.

Sinabi pa ni Pura na ang mga ID at dokumento ay gagamitin sana sa pagbubukas ng bank account para sa mga money transfer at makapagtransaksyon sa maraming online scam.

Nagpagawa pa ang nasabing mga dayuhan ng mga pekeng ID sa Colon street nitong lungsod ng Cebu.

Dagdag pa ni Pura, isa sa mga suspek ay isang kura paroko na nagmimisa sa isa sa mga simbahan sa Cebu, ngunit hindi pa kinukumpirma ng NBI ang impormasyon.