CAUAYAN CITY – Nasugatan ang apat na tao sa Mabasa, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya matapos mag-amok ang isang laborer.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), ang pinaghihinalaan ay si Reygan Seguma, laborer, 40-anyos habang ang mga nasugatan ay sina Henry Badua, 37-anyos, Fidel Badua, 31-anyos, June Badua, 32-anyos at Renato Badua, 77-anyos at pawang residente ng naturang lugar.
Batay sa pagsisiyasat ng mga otoridad, nagtungo ang pinaghihinalaan sa harapan ng bahay ng mga biktima na may dalang itak.
Nagsisigaw si Seguma at sinabing papatayin si Renato Badua.
Lumabas umano si Badua upang awatin ang panggugulo ng pinaghihinalaan ngunit nilapitan ng biktima at inundayan ng taga.
Sinaklolohan ni Henry Badua ang kanyang ama ngunit tinaga siya sa kanyang mga braso at binti.
Umawat din ibang ang biktima ngunit maging sila ay nagtamo rin ng sugat sa katawan.
Naagaw naman ni Henry ang itak ng pinaghihinalaan.
Dinala ang mag-aamang nasugatan sa Dupax District Hospital habang ang suspek ay dinala sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital sa bayan ng Bambang.
Narekober sa lugar ang itak na ginamit sa pananaga at inihahanda na ang kasong multiple attempted homicide laban kay Seguma.