-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sinampahan ng kasong rape with homicide sa Aklan Provincial Prosecutor’s Office ang apat na mga suspek sa rape-slay case ng turistang Slovak sa Isla ng Boracay sa nangyaring insidente noong Marso 12, 2025.

Ayon kay Police Captain Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG) Michaela Michova na sinampahan ang mga ito ng kaso nitong Mayo 30, 2025 matapos makalikom ng sapat na ebidensiya laban sa mga suspek na pawang mga lokal at walang sangkot na dayuhan.

Ang pagsampa ng kaso ay sa pamamagitan ng regular filing dahilan na nananatiling malaya ang mga suspek kung saan, kasama ang mga ito sa natukoy na mga persons of interests.

Una rito, inamin ng isa sa person of interest sa Provincial Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng extrajudicial confession na sangkot siya sa panghahalay at pagpatay sa 23 anyos na turistang Slovak na natagpuan na lamang sa kalunos-lunos na kalagayan sa isang abandonadong kapilya sa Boracay.

Natukoy ng pulisya ang mga suspek nang makita ang mga ito sa closed-circuit television (CCTV) footage na kasama ang biktima habang nasa isang establisyimento.

Matatandaan na pumunta sa Boracay si Mickova noong March 1, 2025 upang dumalo sa kasal ng kaniyang kaibigang Pinay ngunit natagpuan na lamang siya na nasa state of decomposition.

Samantala, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Aklan Police Provincial Office sa consul ng Slovak government ukol sa update ng nasabing kaso.