Nakakapagtala pa rin ng mataas na kaso ang apat na rehiyon sa bansa sa nakalipas na linggo bagamat bumababa na ang mga kaso sa nalalabing lugar sa bansa.
Ayon sa Department of Health, ang mga rehiyon na nakapagtala ng mataas na dengue cases ay sa Northern Mindanao, Davao Region, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Metro Manila.
Minomonitor din ng ahensiya ang nasa 52 probinsiya at lungsod na tumataas ang bilang ng dinadapuan ng nasabing sakit.
Lumagpas naman sa epidemic threshold ng dengue ang Central Luzon, BARMM at Cordillera Administrative Region. Nangangahulugan na mas maraming nagkasakit ng dengue sa mga lugar na ito ngayong taon kumpara noong 2021 habang malapit na rin na umabot sa epidemic threshold ng dengue ang mga naitatalang kaso sa Cagayan, Davao Region at Metro Manila.
Ayon kay Alethea De Guzman, DOH Epidemiology Bureau director, nagsimulang tumaas ang mga kaso ng dengue noong ikatlong linggo ng Marso subalit nakitaan naman ng pagbaba simula ng mag-peak ang dngue cases noong Hulyo.
Sa data ng DOH, nakapatala ng 173,233 dengue cases mula noong January 1 hanggang October 1 halos doble ito sa mga kaso noong nakalipas na taon. Sa kabuuang kaso nasa 3,064 ang naitala mula noong Sept. 18 hanggang Oct 1.