CEBU CITY — Nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang apat na construction workers nang makuryente ang mga ito sa ginagawang residential unit kaninang umaga sa Brgy. Cabancalan, lungsod ng Mandaue.

Kinilala ang mga biktima na sina Darwin Siboco, Palang Oplado, isang alyas Aboy, at alyas Edgar.

Base sa salaysay ng mga saksi, nagwe-welding si Siboco sa 3rd floor ng ginagawang bahay nang bigla umano itong sumabog.

Ayon sa isa sa mga BHERT staff na si Marilyn Candol na nakuryente ang construction worker na si Siboco habang nadamay naman ang tatlo.

Dinala agad ang mga ito sa barangay hall upang mabigyan ng paunang-lunas at kalaunan ay dinala naman ito sa pagamutan.

Dagdag pa ni Candol na si Siboco ay nagtamo ng paso sa kanyang katawan ngunit nagkamalay naman umano ito.

Nasa ligtas na kalagayan ngayon ang apat na construction worker habang sinubukan ng mga barangay officials na makipag-ugnayan sa may-ari ng residential unit.