-- Advertisements --

Apat na bulkan na nasa “abnormal level” ang binabantayan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon kay Usec. Renato Solidum, ang officer-in-charge ng ahensya, kabilang sa kanilang tinututukan ang Taal sa Batangas, Mayon sa Albay, Bulusan sa Sorsogon, at Kanlaon sa Negros.

“Meaning po, ‘yung mga maiinit na magma can actually boil up the water and cause the explosion. And then people then should not go inside their danger zones. Kasama po sa Taal Volcano Island ang bawal,” ani Solidum sa budget hearing ng Senado para sa pondo ng Department of Science and Technology (DOST).

Ipinaliwanag ng opisyal na posibleng magkaroon ng “steam-driven explosion” ang nasabing mga bulkan na nananatiling nasa Alert level 1.

Sa ngayon bahagyang humupa na raw ang aktibidad ng bulkan Taal matapos ang “phreatic eruption” nito noong Enero.

“We began to see some slight change in its trend from pagbaba po, paghupa po nung pamamamaga because of pressure and nakita na namin na namamaga ulit.”

Noong Hunyo, nabatid ng Phivolcs ang magmatic activity ng bulkang Kanlaon. Parehong aktibidad din ang nakita ng ahensya sa bulkang Mayon nang sumunod na buwan, na nagbuga rin ng puting usok.