Sinampahan na ng Bureau of Customs (BoC) kasong kriminal sa Department of Justice (DoJ) ang apat na smugglers at mga kasabwat sa pagpupuslit ng bawang at sibuyas mula sa bansang China.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ang Flevo Trading dahil sa misdeclaration ng apat na shipments na idineklarang “Fresh Yellow Onions and Garlic” na nasabat sa Manila International Container Port at nagkakahalaga ng P13,194,368.22.
Lumalabas na hindi nito idineklara ang tamang timbang sa maximum allowable importation weight sa kanilang import permits.
Kabilang din sa sinampahan ng kaso ang GBJ Consumer Goods Trading dahil sa hindi otorisadong importation at misdeclaration ng shipment na “pastries ingredients” pero ang laman pala ng kargamento ay mga sibuyas.
Nasa kabuuang P1,721,224.03 ang halaga ng shipment na nasabat sa Port of Davao.
Sinampahan din ng criminal complaint ang JDFallar Consumer Goods Trading dahil din sa unlawful importation at misdeclaration ng tatlong shipments na idineklarang “cream cheese” pero naglalaman pala ito ng sibuyas na nagkakahalaga ng P5,178,281.58 at nasabat sa Port of Cagayan de Oro.
Ang huling criminal case ay isinampa sa PDCC Consumers Goods Trading dahil sa unlawful importation at misdeclaration ng shipment na sinasabing naglalaman ng “frozen puff pastry” pero naglalaman pala ito ng sibuyas at nasabat naman sa Port of Cagayan de Oro.
Parehong reklamo ang isinampa sa customs brokers na sinasabing nagproseso sa importation ng mga smuggled agricultural products.
Maliban dito, humaharap din ang mga customs brokers ng administrative complaints sa Professional Regulation Commission (PRC) dahil sa pakikipagsabwatan sa mga smugglers.