-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa apat katao na inaresto ng mga kasapi ng Cabagan Police Station makaraang maaktuhang gumagamit ng illegal na droga ang tatlo at nagbebenta naman ng droga ang isa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Noel Magbitang, hepe ng Cabagan Police Station na may tumawag na concerned citizen sa kanilang hotline at ipinagbigay alam ang pagkakaroon ng pot session sa bahay ni Zoren Callueng sa barangay Catabayungan,Cabagan.

Kaagad tumugon ang mga pulis sa nasabing tawag at naaktuhang gumagamit ng illegal na droga sina Zoren Callueng, 22 anyos, binata, construction worker, John Paul Quilang, 25 anyos, binata, residente ng Cabagan, Isabela kasama ang isang 16 anyos na mag-aaral, residente ng Cabagan, Isabela.

Nakuha sa pag-iingat ng 3 suspek ang isang heat sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang piraso ng papel na ginamit na pambalot sa hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Habang nasa proseso ng pag-aresto ay umamin ang 3 suspek na mayroon pa silang katransaksiyon ng illegal na droga sa nagngangalang Reymund.

Para maihanda ang drug buy bust operation ay nakipag-ugnayan ang pulisya sa mga kasapi ng PDEA at nakipag-transaksiyon kay Reymund kung saan may nagpanggap na bibili ng illegal na droga.

Dumating anya si Reymund Albert Tarayao, 24 anyos, binata, isang tsuper sa lugar kung saan nagsasagawa ng pot session ang tatlong suspek at nasamsaman ng isang sachet ng hinihinalang shabu at buy bust money.