Ikinalugod ng Philippine Coast Guard ang desisyon ng Department of Budget and Management na aprubahan ang pagkuha nito ng karagdagan pang mga tauhan para sa fiscal year 2023.
Ito ay makaraan ngang aprubahan ng ahensya ang rekomendasyong mag-recruit ng apat na libong uniformed personnel ng PCG ngayong taon bagay na sinang-ayunan naman ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ayon sa PCG, layunin ng hakbang na ito na mapalakas at mapahusay pa ang puwersa at kapasidad ng kanilang hanay pagdating sa maritime governance.
Makakatulong kasi anila sa pagpapatatag sa kanilang organisasyon ang dagdag na manpower lalo na’t kritikal ang ginagampanang papel ng coast guard sa pag-iingat sa buhay at teritoryo ng bansa, gayundin sa pagpapatupad ng maritime law and jurisdiction ng Pilipinas sa karagatan, at maging sa pagpoprotekta sa marine environment.
Samantala, inaasahan namang magreresulta sa kabuuang 30,430 PCG personnel ang nagpapatuloy na nationwide recruitment process nito na magtatagal hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.
Ang mga makukuhang bagong recruit na tauhan ay itatalaga sa iba’t-ibang PCG stations at substations na kasalukuyang nakakaranas ng kakulangan sa personnel ng coastal municipalities.
Kaugnay nito ay nagpaabot din naman ng pasasalamat si PCG Commandant CG Admiral Artemio Abu kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa walang sawa nitong suporta sa kanilang hanay partikular na sa pagpapalawak pa sa PCG personnel sa loob ng dalawang magkasunod ng taon.