-- Advertisements --

Positibo raw sa ngayon sa toxic red tide ang apat na coastal areas sa Visayas at Mindanao.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nagpositibo sa paralytic shellfish poison (PSP) o ang tinatawag na toxic red tide ang naturang mga coastal areas na mas mataas sa regulatory limit.

Sa shellfish bulletin, sinabi ng BFAR na ang lahat ng klase ng shellfish at acetes o mas kilala sa tawag na alamang na nakokolekta sa naturang mga lugar ay hindi ligtas para sa human consumption.

Kabilang sa mga apektado ng red tide ang Matarinao Bay sa Eastern Samar, coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at Lianga Bay sa Surigao del Sur.

Pero sinabi naman ng ahensiya na ang iba pang seafood maliban sa shellfish ay puwedeng kainin kabilang na ang isda, pusit, hipon at alimango.

Nagpaalala naman ang BFAR sa mga kakain nito na hugasang mabuti ang naturang mga sea foods.