
CENTRAL MINDANAO – Apat ang nasawi nang manlaban umano sa PNP checkpoint sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga napatay na sina Rahib Lumenda Esmail, Prati Kuludan, Arsad Ukom Utto at Aliofmer Talimbu, mga tauhan umano ni Kumander Ustadz Karialan ilalim ng Karialan faction ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Arnold Santiago na sakay umano ang mga suspek ng isang Suzuki multicab na may plakang MAK-9062 sa Brgy Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao.
Pagsapit ng apat sa PNP checkpoint ay hinarang sila ng mga pulis at tinanong kung bakit may mga dala silang mga armas.
Nagpakilala ang mga suspek na mga tauhan ni Maguindanao Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) chief, Major Edwin Tabora.
Nang hanapan ng mga ID at dokumento sa kanilang dalang mga armas ang mga suspek dahil hindi naman sila nakauniporme ay biglang namaril daw ang mga ito.
Napilitan na gumanti ng putok ang mga pulis sa mga suspek hanggang sa sila ay tamaan.
Naisugod pa ang apat sa Maguindanao Provincial Hospital ngunit hindi na umabot ng buhay ng magtamo ng maraming mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Sinabi naman ni Major Tabora na hindi niya tauhan ang mga suspek na miyembro umano ng BIFF na sangkot sa illegal drug trade sa Maguindanao.
Narekober sa mga nasawi ang apat na mga matataas na uri ng armas, mga bala, mga magazine at pampasabog.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng militar at pulisya ang pagbabantay sa lalawigan ng Maguindanao laban sa mga armadong grupo.
















