CAUAYAN CITY – Isang 4 anyos na bata ang biglang tumawid sa lansangan ang nabangga ng paparating na motorsiklo Barangay Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay si Francesca Brien Raposas, 4 anyos, residente ng nasabing lugar habang ang tsuper ng motorsiklo ay itinago sa pangalang, Chris, 16 anyos na residente ng barangay Nagbitin, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Sa imbestigasyong isinagawa ng Villaverde Police Station, papatawid ang biktima patungo sa kabilang bahagi ng daan nang bigla na lamang sumulpot ang motorsiklo lulan ang suspek at nabangga ang bata.

Dahil sa pangyayari, agad na itinakbo sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan.

Agad tumakas ang suspek ngunit mayroong nakakita sa pangyayari.

Dahil dito agad na dinakip si Chris at dinala sa himpilan ng pulisya kasama ang kanyang motorsiklo na siyang hinihinalang nakabangga sa bata.

Ipinasakamay ng Villaverde Police Station ang suspek sa tanggapan ng DSWD para sa kaukulang disposisyon.