Ikinatuwa ng isang ekonomistang kongresista ang pagbagal ng inflation rate sa Pilipinas noong Marso, subalit sinabi rin nito na ito ay “inadequate development” pa rin.
Ayon kay House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, mabigat na kalbaryo pa rin para sa publiko ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo dahil nagkakaroon ng intermittent lockdowns.
Kanina, inanunsyo ng Philippine Statistic Authority na bumagal sa 4.5% ang inflation rate noong Marso, mas mababa ng bahagya kumpara sa 4.7% naman noong Pebrero.
Sinabi ni Salceda na mataas pa rin kasi ang presyo ng pagkain, na pumapalo sa 5.8% inflation; habang ang meat inflation naman ay pumapalo sa nakakahilo na 20.9%, dahil pa rin sa African Swine Fever.
Para masolusyunan ito, suportado ni Salceda ang mga hakbang para maitaas ang Minimum Access Volume (MAV) para sa mga inaangkat na karne ng baboy at rationalization sa proseso nang importation.
Kahit hindi man babaan aniya ang taripa sa pork imports, sinabi ni Salceda na dapat ma-utilize ng husto ang MAV dahil kung tutuusin ang presyo ng imported pork ngayon ay nasa P190 kada kilo na lang.
Para kay Salceda, gamitin na lang ang kita ng pamahalaan mula sa taripa para sa biosecurity at investments sa ligtas na pagpapakain sa mga livestock para maiwasan ang swill feeding, na siyang pinaniniwalaang sanhi nang pagkalat ng ASF.