Aminado si Health Sec. Francisco Duque III na malaki ang tsansa na magkaroon ng third wave ang COVID-19 sa Metro Manila kung isasailalim ito sa general community quarantine nang walang sapat na testing capacity.
Tugon ito ng kalihim sa pangamba ni Sen. Sherwin Gatchalian sa posibleng epekto kung mas luluwagan ang quarantine measure sa National Capital Region.
“Ang worst case scenario rito ay mag-uulit tayo ng mga outbreaks at magkakaroon ng tinatawag na second wave, actually third wave na tayo.”
Ikinabahala ni Gatchalian ang resulta ng modified enhanced community quarantine sa NCR na nagsimula noong Sabado, kung saan marami ng tao ang nagpunta sa ilang pampublikong lugar.
Ipinaliwanag ng Health secretary ang “five levels of epidemic” na ginagamit ng mga eksperto para matulungan ang local government units.
Kabilang dito ang: recognition, initiation, acceleration, deceleration, at preparation.
Tiniyak ni Duque na hindi muling isasailalim sa malawakang lockdown ang bansa dahil sa mga stratehiya na kanilang gagawin laban sa COVID-19.
“Mas naka-focus na ang quarantine measure natin. Kung may mag-positive na dalawa sa isang barangay, iyon na lang ang ila-lockdown.”
Nitong Martes nang humarap ang kalihim ng Health department sa hearing ng Senate Committee of the Whole.