Posibleng isailalim sa Comelec control ang third district ng Negros Oriental sa kasagsagan ng pagdaraos ng special elections sa lugar para sa nabakanteng posisyon ng pinatalsik na mambabatas na si Arnolfo Teves Jr.
Ito ang inihayag ni Comelec chairman George Erwin Garcia kasabay ng paghahanda ng komisyon para sa naturang special elections na nakatakdang ganapin para sa darating na Disyembre 9, 2023.
Kung maalala, ang naturang espesyal na halalan ay kasunod ng pagpapatalsik kay Teves matapos itong maakusahang utak sa likod ng pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4, 2023 na binansagang Pamplona massacre.
Sinabi ni Garcia na sa ngayon ay sinimulan na rin ng poll body ang paghahanda para sa filing ng certificate of candidacy na gaganapin sa Nobyembre 6 hanggang 8 para sa mga nagnanais na tumakbo sa naturang posisyon.
Ngunit kasabay nito ay nilinaw niya na maaari pa ring muling tumakbong kandidato si Teves sa special elections hangga’t wala pang final judgment of conviction na inilalabas laban sa kaniya.
Ang pagsasailalim sa Comelec control ng isang lugar ay nangangahulungan ng pagbibigay ng direktang kapangyarihan sa poll body na pangasiwaan ang mga tanggapan ng gobyerno at mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa naturang lugar.