Humigit-kumulang 38,000 deboto ang nagtipon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park ngayong araw para sa “Pagpupugay” o pagtingin at paghawak sa imahe ng Itim na Nazareno
Patuloy na dumadaloy ang mga tao sa Quirino Grandstand para sa aktibidad isang araw bago ang taunang Pista ng Itim na Nazareno bukas Enero 9.
Pinalitan ng “Pagpupugay” ang tradisyonal na “Pahalik” bilang pagsunod sa mga protocol sa kalusugan ng COVID-19.
Ayon sa Quiapo Church Command Post bago ang madaling araw ng Linggo, tinatayang 88,000 deboto ang dumalo sa kauna-unahang Walk of Faith sa Maynila bilang bahagi ng mga aktibidad ng Pista ng Itim na Nazareno.
Nagsimula ang paglalakad mula sa Quirino Grandstand sa Luneta Park noong 1:30 ng umaga at pagkatapos ay natapos pagkalipas ng dalawa’t kalahating oras pagdating sa Minor Basilica of the Black Nazarene, na mas kilala bilang Quiapo Church.
Naroon din sa paligid ng Quiapo Church ang mga street vendor na nagbebenta ng souvenirs ng Black Nazarene na umaasa na uunlad sa kanilang negosyong pagbebenta ng mga bagay na panrelihiyon ngayong 2023.
Maaaring bumili ang mga deboto ng 4-inch replica ng Black Nazarene sa halagang P50, habang ang mas malaki ay nagkakahalaga ng P100.
Ang mga panyo na may naka-imprentang lyrics ng kanta para sa Traslacion ay maaaring mabili sa halagang P25 hanggang P35, kalendaryo sa halagang P60, fan sa halagang P35 hanggang P50, at t-shirt na may naka-print na imahe ng Itim na Nazareno sa halagang P150 hanggang P200.
Samantala bandang Alas-4 ng hapon matinding traffic naman ang naranasan sa kahabaan ng P. Burgos, kung saan ang mga motorista ay patungo sa Abad Santos Avenue, Rizal Avenue, at Quezon Boulevard. (Bombo Chill Emprido)