Iniulat ng lokal na Pamahalaan ng Lungsod Quezon na binaha ang 36 sa 142 barangay sa Quezon City noong Sabado, Agosto 30, matapos makapagtala ng “phenomenal” na pag-ulan na umabot sa 141millimeters sa loob lamang ng isang oras.

Dalawang kalsada kabilang na ang Tabing Ilog St. sa Barangay Apolonio Samson at Daang Tubo sa Barangay UP Campus ang naitalang lampas-taong baha.
Ayon sa Quezon City government, hindi kinaya ng drainage system ang matinding buhos ng ulan, kaya’t nagkaroon ng pagbaha kahit sa mga lugar na hindi karaniwang binabaha.
Ang dami ng ulan ay mas mataas pa kaysa sa naitala noong Typhoon Ondoy noong 2009.
Sinabi ng disaster scientist na si Mahar Lagmay na ang pag-ulan ay maituturing na “extreme” dahil lampas ito sa 60 mm per hour.
Dagdag ng LGU, nakatulong ang mga isinasagawang declogging operations para mabilis na humupa ang baha.

Iginiit din ng lungsod ang pagpapatupad ng kanilang Drainage Master Plan (DMP) bilang pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
Samantala, maraming netizens naman ang nagpahayag ng pagkadismaya at bumatikos sa mga flood control projects ng pamahalaan.