-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nakatakdang makakabenepisyo ang abot sa 350 indigent o mahihirap na pamilya sa pitong barangay sa Midsayap, Cotabato mula sa 350 unit core shelters na itatayo ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ito ay sa pamamagitan ng Kapayapaan sa Pamayanan o KAPYANAN program nito.

Kamakailan ay isinagawa ng mga opisyal ng BARMM ang groundbreaking ceremony para sa nasabing mga bahay na nagkakahalaga ng P231 milyon.

Ayon kay KAPYANAN Deputy Project Manager Engr. Abdulnasser Usman, ito ang unang pagkakataon na magpatupad nang proyektong pabahay sa Midsayap na kabilang sa Special Geographic Areas o SGA ng BARMM.

Kabilang sa inaprubahan ng KAPYANAN ang konstruskyon ng solar powered lights, water system component, solar streetlights, at linear canal system para sa mga benepisyaryo ng pabahay.

Ang KAPYANAN ay isang special program ni Chief Minister Ahod Ebrahim na naglalayong mabigyan ng maayos na bahay ang mga mahihirap na komunidad sa rehiyon.