-- Advertisements --

Naghain ngayong araw ang Akbayan Reform Bloc ng panukalang batas kaugnay sa anti-political dynasty bill sa Kamara.

Pinangunahan ito nina Akbayan Reform Bloc Rep. Chel Diokno, Rep. Perci Cendaña, Rep. Dadah Kiram Ismula, at Rep. Kaka Bag-ao ng Dinagat Islands.

Ang naturang panukala ang House Bill 5905, ay naglalayong ipatupad ang Article II, Section 26 ng 1987 Konstitusyon, na nag-uutos sa estado na “garantiyahan ang pantay na oportunidad sa paglilingkod publiko at ipagbawal ang political dynasties alinsunod sa batas.”

Inihayag ni Rep. ka Bag-ao, panahon nang bigyan ng pagkakataon ang mga karaniwang Pilipino na makapaglingkod nang hindi kailangang makipaglaban sa mga pamilya ng pulitiko.

Nililinaw ng panukala ang depinisyon ng “political dynasty” at tinutukoy ang mga ugnayang pampamilya na hindi maaaring magsanib sa kapangyarihan sa iisang panahon.

Sinabi ni Bag-ao layunin ng batas na ito ay palawakin ang espasyo para sa demokrasya para mas maraming boses at mas maraming pagpipilian ang mamamayan.

Sa panig naman ni Rep. Diokno panahon na para tuparin ito at kailangan nating wakasan ang pamamayani ng iilan at bigyang-daan ang mas malinis at patas na pamumuno.

Samantala, binigyang-diin ni Rep. Perci Cendaña na ang panukala ay dapat komprehensibo at walang pinipili. 

Giit ni Cendana hindi dapat half-baked ang Anti-Political Dynasty Law, dapat buo at walang lusot. 

Inihalintulad ito ni Cendana na parang kartel sa negosyo, pag sinolo ng ilang pamilya ang kapangyarihan, nagiging oportunidad sa korapsyon.

Dagdag pa ni Rep. Dadah Kiram Ismula, na ang posisyon sa gobyerno ay hindi pamana ng pamilya.

Tinukoy rin ni Ismula na sa maraming probinsya sa Mindanao, patuloy ang kahirapan at kawalan ng katarungan dahil sa pamamayani ng mga political dynasty.

Sa pahayag ng Akbayan Reform Bloc, binigyang-diin nila na nakataya sa panukalang ito ang mismong diwa ng demokrasya.