Ibinunyag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na nakipag-ugnayan ang Amerika sa Pilipinas para tumulong sa pangangailangan nito sa langis.
Ito ay kasunod ng deklarasyon ng national energy emergency sa bansa dahil sa krisis sa langis na dulot ng tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran, na nagresulta sa pagtaas ng presyo at pagkaantala ng suplay.
Ayon kay Sec. Lazaro, napakalaking tulong ang U.S. sa pagbibigay ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.
Nauna nang inihayag ng kalihim na kasalukuyang naghahanap ng iba pang mapagkukunan ng langis ang bansa, kabilang ang pag-angkat ng krudo mula sa Russia.
Binigyang-diin ng DFA na prayoridad ng gobyerno ang proteksyon ng mga Pilipino at ang seguridad sa enerhiya habang nagpapatuloy ang krisis.
















