Naghain ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman ang ilang mga abogado at indibidwal sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon laban sa Committee on Justice ng House of Representatives.
Kanilang kinuwestyon ang legalidad o pagiging naaayon sa konstitusyon ang isinasagawang pagdinig o pagproseso sa ‘impeachment’ kontra kay Vice President Sara Duterte.
Partikular na inihain nina Atty. Torreon, Atty. Martin Delgra III, Atty. Victor Rodriguez at iba pa ang ‘petition for certiorari and prohibition’ kalakip hiling na mag-isyu ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order.
Nais nilang mapabigyan linaw sa Kataas-taasang Hukuman kung maari pang ipagpatuloy ng komite ang pagdinig sa mga reklamong ‘impeachment’ laban sa ikalawang pangulo.
Kabilang rin sa mga kahilingan ng petisyuner na mapigilan ang kongreso na kilalanin ang ikatlo at ika-aapat na impeachment complaints sa pagiging sufficient in substance at sufficient in grounds.
Pati implementasyon at pag-iisyu ng karagdagang mga ‘subpoena, direktiba o kautusan’ ay hiling rin na mapahinto’t hindi maisakatuparan.
Isinumite ang naturang petisyon sa Korte Suprema sa pamamagitan ng ‘online submission o e-filing’ sa website ng hukuman.















