KALIBO, Aklan–Nakapagtala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-Aklan ng nasa 10,104 pamilya o 33,752 indibidwal na naapektuhan sa pagdaan ng bagyong Agaton.
Ayon kay Jeffrey Jizmundo, Operation and Warning Chief ng PDRRMC-Aklan na mula noong Martes ay ibinaba na nila sa “blue alert” ang buong lalawigan at sinimulan na ang pagkalap ng mga damage report.
Bagama’t walang naitalang pagtaas sa lebel ng tubig sa Aklan river, may ilang bayan parin ang nakaranas ng mga pagbaha gaya ng Altavas, Balete, Banga, Batan, Buruanga, Kalibo, Malay at New Washington dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Kaugnay nito, naka-record rin ang PDRRMC ng kabuuang 37 na partially damaged na mga kabahayan at isang totally damaged.
Inihayag pa ni Jizmundo na walang naitalang casualty o missing sa pagtama ng bagyo at patuloy pa nilang hinihintay ang mga report hinggil sa damage assessment sa agrikultura, imprastraktura at iba pa.