BOMBO DAGUPAN – Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang 32-anyos na lalaki sa bayan ng Sta. Maria, Pangasinan matapos itong maaresto ng kapulisan sa bisa ng Warrant of Arrest.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Jim Valdrez. Deputy Chief of Police ng Sta. Maria Municipal Police Station, ang naarestong suspek ay kinilalang si Eduardo Dronio Pachoca, Jr., may asawa, walang trabaho, at naninirahan sa Brgy. Sta. Rosa sa parehong bayan.
Aniya, ang suspek ay nahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting to Homicide, Physical Injuries, at Damage to Properties matapos ang aksidenteng kinasangkutan nito noong nakaraang taon kung saan ay nasawi ang isang ama habang nasaktan naman ang anak nito.
Dagdag ni Valdrez na nito lamang buwan ng Oktubre lumabas ang warrant of arrest ng suspek na inisyu ng Regional Trial Court , Branch 53, Rosales kaugnay sa kasong kanyang kinahaharap na may rekomendadong piyansa na nagkakahalaga ng P60,000.00.
Saad pa niya na sinubukan pa umano ng suspek at pamilya ng biktima na aregluhin ang kaso subalit sila ay nabigo.










