Pinangangambahan ng isang mataas na opisyal sa Amerika ang banta sakaling maisapinal ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon kay US Asst. Secretary of State for Political-Military Affairs Clarke Cooper pinaka-maaapektuhan ang nasa 300 bilateral engagements at exercises ng dalawang estado.

-- Advertisement --

Mawawalan daw ng silbi ang mga kasunduan na naglayong palakasin ang ugnayan at pwersa ng mga sundalo ng parehong bansa.

Kabilang na rito ang freedom of navigation operations, joint trainings, presensya ng
US military sa mga pantalan, maging sa himpapawid at iba pang teritoryo.

“There is a significant amount of resources that had been invested in that bilateral relationship, and putting at risk–I don’t think anyone in the government of the Philippines would want to put at risk the numerous engagements,” ani Cooper sa isang telephonic press briefing.

“Because of outstanding shared interests when it comes to freedom of navigation, freedom of movement, joint security interests, future procurements–this is part of the broader dialogue as to why there remains value in the VFA,” dagdag nito.

Mahalaga rin umano ang papel ng VFA sa pagpapatupad ng nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement noong 2014.

Sa ilalim kasi nito, hinahayaan ng gobyerno ang presensya ng tropang Amerikano sa mga kampo ng Pilipinong sundalo, kung saan nagtatayo ang mga ito ng pasilidad na napapakinabangan ng AFP.

Bukod dito, nakikita rin ni Cooper ang epekto sa joint military operations ng 1951 Mutual Defense Treaty ng termination sa VFA.

Katunayan target pa raw sana ng dalawang estado na magkaroon ng Bilateral Strategic Dialogue sa susunod na buwan.

Sa isang social media post, kinumpirma ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin Jr na natanggap na ng US Embassy ang notice sa termination ng VFA.

Sagot naman ng Embahada, maingat nilang ikokonsidera ang mga inaasahang epekto sa pag-usad ng hakbang ng Pilipinas.

Nangako din ang US Embassy na mananatili ang pagkilala nila sa matagal ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.