-- Advertisements --

Humigit kumulang 300 menor de edad ang target ng Philippine General Hospital (PGH) na mapasama sa kanilang pilot pediatric COVID-19 vaccination simula ngayong araw ng Biyernes.

Sa kanilang ceremonial vaccination kaninang alas-9:00 ng umaga, 12 pasyente edad 12 hanggang 17 ang naturukan ng COVID-19 vaccines na gawa ng Pfizer BioNtech.

Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, magkakaibang sub-specialties sa kanilang ospital ang pumili sa mga pasyenteng ito base sa kanilang comorbidities.

Isa-isang tinawagan ang mga magulang ng mga pasyenteng ito at inalok nang vaccination sa kanilang mga anak.

Bukod sa PGH, ilan pang mga ospital ang bahagi ng pilot pediatric vaccination tulad ng Philippine Children’s Medical Center, Fe Del Mundo Medical Center, Makati Medical Center, St. Luke’s Medical Center, Philippine Heart Center, National Children’s Hospital, at Pasig City’s Children Hospital.

Ang mga batang magpapaturok ng COVID-19 vaccines ay kailangan na mayroong maipakitang medical clearance mula sa kanilang doktor, informed consent ng kanilang magulang o guardian, at pagpahintulot mula sa receipient ng bakuna.

Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na prayoridad nila sa pediatric COVID-19 vaccinations ang mayroong mga comorbidities tulad ng: genetic conditions, auto-immune disorders, neurologic conditions, metabolic and endocrine conditions
cardiovascular diseases, obesity, HIV, tuberculosis, chronic respiratory disease, renal disorders, at hepatobiliary disorders