Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na sinampahan na ng kasong murder ang 30 opisyal at personnel ng PNP, kaugnay sa tinaguriang “Bloody Sunday” incident na naganap noong 2021.
Ito’y matapos humingi ng update si ACT Teachers Party List Rep. France Castro ukol sa mga sinasabing extrajudicial killings (EJKs), gaya ng tinaguriang Bloody Sunday kung saan ilang indibidwal ang pinatay sa iba’t ibang probinsya.
Nangako naman si DOJ Usec. Brigido Dulay, na magpapadala ang DOJ sa Kamara ng iba pang update ukol sa kaso.
Ayon naman kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, siya ay nalulungkot sa naturang pangyayari, partikular sa pagpanaw ng kanyang kaibigan na union leader na si Manny Asuncion na pinatay sa Cavite.
Hindi umano niya pinalalagpas ang bagay na ito at patuloy itong iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Samantala, mabilis na tinapos ng House Committee on Appropriations ang budget briefing para sa panukalang 2023 budget ng Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules, kung saan humarap si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla.
Ang dahilan ay bilang kortesiya sa dati nilang kasamahan sa 18th Congress si Sec. Remulla.
Sa nasabing budget briefing inilatag ang panukalang pondo ng DOJ at attached agencies para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P26.686 billion, batay sa 2023 National Expenditure Program.
Ito ay mas mataas kumpara sa higit P25 billion na pondo ngayong 2022.
Ibinahagi rin ng DOJ ang mga accomplishments o nagawa ng kagawaran.