DAVAO CITY – Patay na nang marekober ng otoridad ang isang 30 anyos na babae na nakahandusay sa loob ng CR sa isang Inn sa C.M Recto dito sa lungsod ng Davao.
Kinilala ang biktima na si Joan Balabagan Lintang, 30 anyos, kasambahay at residente ng Brgy. Malongon, Magsaysay, Davao del Sur.
Habang nasa kustodiya na ngayon ng San Pedro Police station ang suspek na nobyo mismo ng biktima na kinilalang si Melarry Betil Gumanan, 35 anyos, walang trabaho at residente sa Marang Brgy. Tacul, Magsaysay, Davao del Sur.
Base sa pinagsamang imbestigasyon ng Magsaysay Davao del Sur PNP at San Pedro PNP Davao City, inamin ng suspek ang krimen kung saan sinalaysay nito ang nangyari.
Noong Hunyo 26, nagkasundo ang dalawa na mag Inn kung saan nangyari ang kanilang mainit na pagtatalo matapos na umatras ang babae sa plano sana na pamamanhikan ng suspek sa darating na Hulyo 7.
Hindi na umano napigilan pa ni Melarry ang kanyang sarili at kanyang sinakal ang kanyang nobya na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Itinago pa ng suspek ang bangkay ng biktima sa CR ng nasabing INN bago ito tumakas pauwi sa Magsaysay.
Hunyo 26, alas 3 ng hapon, sumuko ang suspek sa Magsaysay pulis rason ng pagkarekober sa bangkay ng biktima.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Davao kay
Mark Anthony Baltucon, kapatid ng biktima, emosyonal na pinahayag nito na plano pa sana ng kanyang ate na magtrabaho sa abroad upang matapos ang kanilang pinapatayong bahay para sa kanilang mga magulang.
Aminado ang pamilya na kanilang nakita ang pagsisisi ng suspek dahil sa nagawa nitong krimen.