NAGA CITY – Patay ang tatlong pinaniniwalaang carnappers ng makipagbarilan sa mga otoridad sa Barangay Poblacion, Malvar, Batangas.

Nakilala ang isa sa mga ito na si Mario Molino, habang patuloy pa ring inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang iba pa.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Batangas Police Provincial Office (BPPO), nabatid na ikinasa ng Provincial Highway Patrol Team-Batangas at ng BPPO ang hot pursuit operation laban sa mga suspek.

Ito ay makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa insidente ng carnapping sa Barangay Luta Norte sa nasabing bayan.

Agad na inalerto ng Malvar PNP ang kanilang mga tauhan na nagsasagawa ng checkpoint sa nasabing bayan.

Nauwi umano sa engkwentro ang operasyon ng otoridad makaraang lampasan ng carnapped na sasakyan ang checkpoint lulan ang mga suspek.

Samantala, narekober naman ang sasakayan kasama ang isang caliber 45 at dalawang caliber 38 revolver.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagkilala sa dalawa pang mga suspek.