-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang 3 taong gulang na bata habang nakaligtas naman ang ama nito at isa pang kasama matapos na maanod ng tubig-baha sa Sitio Trankeene, Barangay Lamlahak, Lake Sebu, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Mayor Floro Gandam sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Mayor Gandam, pilit na tumawid sa rumaragasang tubig-baha ang mag-amang Godwino sakay ng motorsiklo ngunit sa kasamaang palad inanod ang mga ito.

Nakaligtas naman si Jayr Godwino at ang 17-anyos na batang angkas nito, ngunit tuluyang inanod ng tubig baha ang kanyang anak na 3-taong gulang.

Mahigit 3 kilometro ang inabot ng bata bago ito natagpuan na wala nang buhay.

Dagdag pa ng alkalde, bago pa man nagdesisyong umuwi ang mag-ama ay bumuhos ang malakas na ulan na naging dahilan ng pagbaha.

Sa katunayan, may mga apektadong tulay at daan din na nasira ng tubig-baha sa nabanggit na lugar.

Sa ngayon, ipinangako ng alkalde na tutulungan ang pamilya ng biktima habang nanawagan naman ito sa mga residente na sakaling malakas ang buhos ng ulan huwag nang dumaan sa mga lugar na binabaha.

Napag-alaman na isang OFW ang ina ng batang nasawi na halos hindi pa matanggap ang nangyari sa kanyang anak.