LEGAZPI CITY – Sinusuri pa ngayon sa ospital ang lagay ng tatlo katao matapos na masangkot sa aksidente sa Purok 6 ng Brgy. Lidong, Sto. Domingo, Albay.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, nabatid na parehong direksyon ang binabaybay ng dalawang motorsiklo na mula sa lungsod ng Legazpi at patungo sa Tabaco.

-- Advertisement --

Subalit pagdating sa lugar na pinangyarihan ng aksidente, nagtangkang mag-overtake sa kanang bahagi ng kalsada si Ricky Martin Toledo, 34-anyos na lulan ng motorsiklo, sa motorsiklong minamaneho naman ni Maynard Banzuela, 18-anyos at backrider na si Molly Banzuela, 27-anyos.

Habang nasa proseso ng pagmaniobra ng motorsiklo, sumabit si Toledo sa motorsiklo ni Banzuela na dahilan upang bumagsak sa sementadong kalsada ang dalawa.

Pawang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga ito na mabilis namang nadala sa pagamutan.

Nasa pangangalaga na rin ngayon ng Sto. Domingo Municipal Police Station ang mga sangkot na sasakyan para sa karampatang disposisyon.

Nabatid na nangangamoy pa ng alak si Toledo nang dalhin sa ospital.