NAGA CITY – Nagpapagaling pa ang tatlo katao na sugatan matapos araruhin ng isang Mitsubishi Montero ang tatlong sasakyan sa Mabolo, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSgt. Toby Bongon, tagaagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nitong minamaneho ng isang Ferdinand Cateneo, isang seaman mula sa Milaor, Camarines Sur ang nasabing SUV ngunit pagdating sa nasabing lugar nang bigla nitong inararo ang mga kasalubong na sasakyan.

Kasama sa mga nabangga nito ang isang pampasaherong tricycle na minamaneho ni Reynaldo Zamudio, isang pribadong tricycle na minamaneho ni Junel Francisco at isang motorsiklo na minamaneho naman ni Gilbert Percil.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang nasabing mga biktima na agad namang isinugod sa ospital.

Samantala, nabatid na sa halip na tulungan ang mga biktima nagtuloy-tuloy pa sa pagmamaneho ang suspek ngunit naabutan ito ng isang pulis.

Sa ngayon, hinahanda na ang kasong isasampa laban sa nasabing suspek.