Reading Time: 1 minute

Tatlong pulis sugatan matapos tambangan ang mobile patrol ng Pinamalayan Municipal Station kaninang alas-7:45 ng umaga sa may national highway ng Barangay Pasi 2, Socorro, Oriental Mindoro.

Ligtas naman sa pananambang ang mismong chief of police na si P/Cpt. Ruelito Magtibay.

Ayon kay Police Regional Office-4B regional police spokesperson P/Supt. Socrates Faltado, iniulat sa Pinamalayan Municipal Police Station ni Barangay Pasi 2 Chairman Danilo R. Caspe, na nakarinig muna sila ng malakas na pagsabog na sinundan ng sunod-sunod na putok ng baril sa kanilang lugar.

Sa salaysay ni Caspe, target ng pag-atake ang mobile patrol car ng Pinamalayan Municipal Police Station.

Bukod kay Magtibay, nakilala ang mga kasama nitong mga “enlisted personnel” na sina PCMS Ivan Fortus, PSMS Irene M Lazo, at P/Cpl. Ivy Carmona, Kapitan Noli Dela Cruz ng Barangay Palayan, Pinamalayan, Oriental Mindoro, at minamaneho ni Pat. Raquel Generoso.

Pawang sugatan sina Fortus, Lazo at Carmona na agad dinala sa Oriental Mindoro Provincial Hospital.

Papunta umano ang grupo sa Pinamalayan para dumalo sa isang radio interview nang atakihin ng mga hindi pa kilalang salarin.

Suwerte namang nakatakbo ang kanilang sasakyan palayo sa ambush site.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.