-- Advertisements --
DOE SEC. CUSI
IMAGE | Energy Sec. Alfonso Cusi in a media forum, August 6/Screen grab from DOE file

Kinumpirma ng Department of Energy na may tatlong lalawigan sa bansa ang bukas sa posibilidad na pagtayuan ng nuclear facility ang kanilang lugar.

Ito ay sa gitna ng maraming pagtutol sa target ng pamahalaan na idagdag ang nuclear energy sa mga pinagkukunan ng kuryente ng estado.

Ayon kay Sec. Alfonso Cusi, ilang opisyal mula Palawan, Cagayan at Sulu ang nagpahayag ng interes sa panukala ng administrasyon.

Giit ng opisyal, malaki ang papel ng nuclear energy para maiwasan na ang mga brownout at mataas na singil sa kuryente. Kasalukuyang pinag-aaralan ng Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee ang pagbuo ng polisiya para malunsad ang nuclear energy sa bansa. Tiniyak naman ni Cusi na hindi isasara sa publiko ang konsultasyon.

“Lahat naman talaga may risk but pwede namang i-measure and to control. Huwag na tayong mamili kahit sa impyerno manggaling yung power na yun, i-plug natin yan basta may kuryente.”

Bukas daw ang DOE sakaling i-renovate para pormal nang magamit ang inagiw nang Bataan Nuclear Power Plant, pero hindi raw nito maaaring limitahan ang pagtatayo ng iba pang pasilidad. Target kasi ng ahensya na magtayo ng modular nuclear power plant o maliliit na planta ng enerhiya.

Ayon naman sa isang nuclear energy advocate, maituturing pang bago ang mga gamit sa BNPP. Kahit daw kasi panahon pa ng administrasyong Marcos itinayo ang power plant, ay hindi naman ito nabigyan ng pagkakataon na mag-operate.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Prof. Butch Valdes na pitong taon ang aabutin sa pagtatayo ng panibagong power plant na katulad ng BNPP. Pero kung isusulong naman ang paggamit ng existing facility, ay 1-bilyong pisong dolyar ang kailangan ihanda ng pamahalaan.

“Hindi totoo yung sinasabi ng ibang tao na obsolete (yung mga gamit ng BNPP) dahil hanggang ngayon, for the past how many years we have maintenance crew na skeleton force ang nag-aalaga dyan.”

“Its still brand new but there are certain things there, siguro yung mga pipe baka kailangan palitan.”

Kung maaalala, libo-libo ang naapektuhan sa aksidente ng Fukushima nuclear facility sa Japan noong 2011, na itinuturing na pangalawa sa pinaka-malalang nuclear accident sa kasaysayan. Ito rin ang isa sa ugat ng maraming pagtutol sa pagbuhay ng usapin ng nuclear energy sa Pilipinas.

Ayon sa grupong AGHAM, hindi sila sang-ayon sa nuclear energy dahil dedepende pa rin sa imported fuel ang bansa para mapatakbo ang mga makina sa planta. Ibig sabihin, posibleng mahal na singil sa kuryente pa rin ang bumulaga sa mga consumer.

“Even if operated, the plant also falls short of meeting the country’s growing energy demand. Its 620-megawatt capacity pales in comparison to the capacity of other energy sources in our country which can be developed if given proper investment.”

Pero ayon kay Prof. Valdes, kailangang maging bukas ang tenga ng publiko sa tamang impormasyon hinggil sa nuclear energy dahil ligtas ito at maaasahang pagkukunan ng kuryente.

Bago matapos ang taon target ng DOE na maisumite at mapa-aprubahan kay Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng inter-agency committee. Pero naka-depende pa rin daw sa nakahain na panukalang batas sa Kongreso ang kapalaran ng nuclear energy sa Pilipinas.

Kamakailan nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na nagu-utos na pag-aralan ng mga itinalagang ahensya ang pagbuo ng polisiya para sa nuclear energy ng bansa.