Tatlong Pilipinong senior citizen na pauwi na ng Pilipinas mula America ang napaulat na nawawala sa loob ng isang linggo na makaraang mag-layover sa Shanghai, China.
Ayon kay Florence Guce, Agosto 9 nang bumiyahe ang kanyang ina na si Erlinda Varela Guce, 70, kasama sina Josefina Varela Baysic, 72, at Pacita De Guzman, 77, mula sa John F. Kennedy Airport sa New York City via China Eastern Airlines Flight MU 298 matapos magbakasyon ng limang buwan sa United States.
Lalapag sana ang kanilang sinakyang eroplano sa Pudong International Airport sa Shanghai, China noong Agosto 10 para sa 14-hour layover.
Ang kanilang connecting flight, China Eastern Airlines Flight MU 211 mula Shanghai, ay nakatakdang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 dakong alas-11:10 ng gabi sa kaparehas na araw.
Pero nang makarating sina Florence, kanyang pinsan na si Marlon David at Jose De Guzman, asawa ni Pacita, sa NAIA noong gabi ng Agosto 10 para sunduin ang mga paparating na senior citizens subalit hindi kasama ang mga ito sa mga dumating na pasahero.