GENERAL SANTOS CITY – Nananatiling nasa kustodiya ng Traffic Management Unit (TMU) GenSan ang isang driver ng fishcar matapos masangkot sa aksidente kung saan tatlong katao ang patay sa Purok Banualan Highway, Barangay Tambler sa lungsod.

Dead on arrival sa Dr. Jorge P. Royeca Hospital ang biktima na kinilalang si Sangkupan Usman, driver ng motorsiklo habang sa pagamutan na binawian ng buhay habang ginagamot ang dalawa nitong sakay na sina Alex Alutaya at Belen Angka.

Sa imbestigasyon ng otoridad, nalaman na patungong fish port ang fish car na minamaneho ni Leandro Acosta IV, habang sa direksyon patungong sentrong bahagi ng lungsod ang motorsiklo na sinakyan ng mga biktima.

Pumreno umano ang truck subalit bigla umanong nawalan ng kontrol at napunta sa lane ng motorsiklo na pinaniwalang dahil umano sa madulas na kalsada bunsod na rin ng pag-ulan kahapon sa lungsod.

Nitong araw nakatakdang sampahan ng kasong reckless Imprudence resulting to multiple homicide and damage to properties ang driver ng fish car.