LA UNION – Patay ang tatlong katao sa nangyaring banggaan ng isang bus at tricycle sa kahabaan ng national highway sa Barangay San Eugenio sa bayan ng Aringay, La Union kaninang madaling araw.

Nakatakdang sampahan ng Aringay Police ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang driver ng Partas Transportation Co., Inc. na si Eric Orbosis, 26, residente ng Barangay Santa Lina, bayan ng Luna, Apayao.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinusundan umano ng bus ang traysikel na minamaneho ni Gaymard Reboado, 24, residente ng Barangay San Julian East, Agoo dakong alas-3:30 kaninang madaling araw.

Nabigo raw na maiwasan ni Orbosis ang kasunod na sasakyan ni Reboado dahil sa biglang pagliko nito kaya nangyari ang aksidente.

Dahil sa lakas ng pagbangga, halos mayupi ang malaking bahagi ng tricycle.

Dinala pa sa pinakamalapit na ospital ang lulan ng tricycle subalit idineklara ang mga itong dead on arrival.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Reboado, Romalyn Mercado, 20; at Ramil Parrocha y Rulloda, 26-anyos, na pawang mga residente ng Barangay Alaska, Aringay.

Wala namang nagtamo ng anumang sugat sa mga pasahero ng bus.