Hindi baba sa tatlong katao ang nasawi habang dose-dosenang turista ang na-stranded matapos ang isang biglaang cloudburst na nagdulot ng matinding pag-ulan na nagresulta sa baha at landslide sa kahabaan ng Babusar Road, Gilgit-Baltistan, Pakistan.
Ayon sa Diamer district administration, tatlong bangkay ang dinala sa Regional Headquarters Hospital (RHQ) sa Chilas, habang isang sugatan ang patuloy na ginagamot sa ospital.
Naganap ang insidente bandang 3:30 p.m. sa pagitan ng Jal at Diyung, kung saan tinamaan ng matinding ulan at pagguho ng lupa ang tinatayang 7–8 kilometrong bahagi ng kalsada. Naiulat ang 14–15 malalaking tipak ng bato, putik, at baha.
Mabilis na nagsagawa ng rescue operations ang mga lokal na awtoridad upang mailikas ang mga na-stranded na turista. Isinakay sila mula sa Girls’ Degree College at dinala sa mga hotel sa Chilas para sa pansamantalang tuluyan.
Personal na binisita ng Deputy Commissioner at Superintendent of Police ng Diamer ang lugar at nakarating hanggang sa gitna ng apektadong bahagi, subalit hindi na naabot ang iba pang lugar dahil sa panganib ng malalaking bato.
Samantala nanatili paring sarado ang Babusar Road, at wala pang takdang araw ng pagbubukas. Isinara rin ang ilang bahagi ng Karakoram Highway (KKH) sa Lal Parhi at Tatha Pani, kung saan may 10–15 sasakyang naipit sa landslide at mga ilog.