ILOILO CITY – Nag-abiso na ang mga otoridad hinggil sa pagpapatupad ng tatlong buwang fishing ban sa Visayan Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Region 6 director Engr. Remia Aparri na nagsisimula na ang breeding season ng mga isda at magtatagal hanggang Pebrero.

Nakapaloob umano ito sa ilalim ng Fisheries Administrative Order 167-3 kaya hindi maituturing na iligal.

Bukod sa panghuhuli ng isda, may market ban din sa mga pantalan at palengke para matiyak na hindi sardinas, mackerel at herrings ang uri ng isdang mahuhuli ng mga mangingisda.

Nilinaw ng BFAR na magpapatrolya sila sa mga karagatan at paparusahan ang mga lalabag.

Parusang pagkakakulong, multa at kanselasyon ng fishing permit umano ang aasahan para sa mga pasaway na mangingisda.