Tatlong miyembro ng pamilya, patay matapos ang banggaan ng kotse at wing van sa Cebu; 7 taong gulang na anak, nakaligtas
Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang driver ng isang wingvan kasunod ng nangyaring aksidente nitong Martes, Pebrero 21, na ikinasawi ng tatlong miyembro ng pamilya at ikinasugat ng isang menor de edad sa Brgy. Dunggoan, Danao City Cebu.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, physical injuries and damage to property ang drayber na kinilalang si Nolin Batobalonos, 33 anyos.
Kinilala naman ang mga nasawi na sina Erwin Bacalso Mondejar, 35 anyos; asawa nitong si Imelda Mondejar at anak ng mga itong 3 taong gulang na si Erin Bliss.
Patuloy namang nagpapagaling sa pagamutan ang isa pang anak nitong si Imer Betelqeuse Mondejar, 7 taong gulang.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMSG Ronald Gomez, Traffic Investigator ng Danao City Traffic Office, sinabi nitong base sa kanilang imbestigasyon, papunta sa lungsod ng Cebu ang kotseng sinasakyan ng mga biktima mula sa Cebu Safari and Adventure Park sa bayan ng Carmen habang ang wing van ay papunta sa hilagang bahagi.
Sinubukan pang iwasan ni Batobalonos ang kotse ngunit dahil sa bilis ng takbo nito ay nagsalpukan ang dalawang sasakyan.
Naniniwala pa si Gomez na posibleng nakatulog ang driver ng kotse dahil sa tuloy-tuloy na biyahe.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang kanilang isinagawang imbestigasyon at susuriin nila kung mayroong footage mula sa dash cam ng sasakyan para makatulong sa at malaman ang nangyari bago ang insidente.