-- Advertisements --
BENJAMIN ACORDA PNP

Nais ipatupad ni PNP Chief PGEN Benjamin Acorda Jr. ang 3-minute response time ng Quezon City Police district sa buong bansa.

Ito ang isa sa mga binigyang-diin ng heneral sa kaniyang naging command visit sa tanggapan ng NCR police office sa camp bagong diwa, Quezon City.

Dito ay hinikayat ni acorda ang iba pang mga regional commanders na gayahin ang integrated command control centers na ipinapatupad ng Quezon City police district.

Ito aniya ay para sa mabilisang pagresponde ng kapulisan sa anumang krimen sa kani-kanilang lugar na bahagi ng layunin nitong masigurong maipapatupad ang crime prevention sa bansa, gayundin ang mas maigting na police visibility partikular na sa mga lugar na tinukoy ng pulisya na crime prone areas.

Dagdag pa rito ay sinabi rin ni Gen. Acorda na ito ay kabilang sa kaniyang marching order sa kapulisan at kaakibat nito ay sisikapin niya na maipapatupad ito sa buong pilipinas sa loob ng kaniyang termino.

Ayon sa heneral, kung makumbinis ang mga mamamayan na kapag naapi sila ay andiyan ang kanilang pulis na
Maaasahan na pagsusumbungan, mababawasan din ang mga nangaabuso sa kanilang karapatan.

Ang integrated command control centers (iccc) ng QCPD ay isang “state-of-the-art facility” na gumagamit ng modernong komunikasyon para sa pag-monitor at mabilis na deployment ng mga pulis na naka-pwesto sa mga “fixed points” na mga lugar na may mataas na insidente ng krimen.

Kung maaalala, una nang ibinida ng PNP ang 11.36-percent na pagbagsak ng bilang ng mga nangyaring krimen sa bansa mula sa pagpasok ng taong 2023.

Ayon kay PNP public information chief PCOL Red Maranan, ito ay patunay lamang na epektibo ang mga estratehiyang ginamit ng pambansang pulisya para bigyang proteksyon ang taumbayan.

Batay kasi sa rekord ng PNP mula January 1, 2023 hanggang ngayong buwan ng mayo ay aabot lamang sa 12,226 ang bilang ng mga naitala nitong insidente na may kaugnayan sa 8-focus crimes, mas mababa ito ng mahigit 1,500 cases kung ikukumpara sa 13,763 cases noong kaparehong panahon ng nakalipas na taon.

Ang eight focus crimes ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, carnapping of vehicles at carnapping of motorcycles.