BAGUIO CITY – Arestado ang tatlong minero dahil sa umano’y pagsisimula ng mga ito ng sunog na kumalat sa malawak na bahagi ng bundok sa Bagweng, Tinongdan, Itogon, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay FO2 June Mayam ng Bureau of Fire Protection-Itogon, sinabi niyang hinuli ng mga barangay officials ang mga suspek na pawang taga-Ucab, Itogon, kahit nakatakas ang ibang kasama ng mga ito.
Aniya, posibleng nagsunog at pinausukan ng mga suspek ang bahay-pukyutan para mapa-alis ang mga pukyutan.
Gayunman, nagresulta aniya ito sa pagkalat ng sunog sa bundok.
Nagsimula ang sunog noong pang Huwebes, March 12 at mabilis na kumalat sa itaas na bahagi ng bundok.
Bagama’t walang bahay na nadamay sa sunog, sinabi ni FO2 Mayam na batay sa kanilang assessment ay may mga pananim na kape at puno ng mangga na nasama sa sunog.
Aabot din aniya sa halos 30 ektarya na bahagi ng bundok ang nasunog.
Sa ngayon, nahaharap na ang tatlong minero sa kasong arson.