TACLOBAN CITY – Tatlong mga menor de edad ang nakitang patay matapos na malunod sa isang ilog sa Brgy. Balud, Arteche, Eastern Samar.
Kinilala ang dalawang biktima na nasa anim na taong gulang na sina Manilyn Pajaroja at Ma. Daisy Orosco at ang limang taong gulang na si Ronalyn Pjaroja.
Ayon kay Police Lt. Lysander Camacho, OIC ng Arteche municipal police station, hindi namalayan ng mga magulang ng mga biktima na lumabas ang mga ito para maligo sa ilog malapit sa kanilang bahay.
Nabatid naman na dahil sa walang humpay na pag-ulan na dulot ng bagyong Falcon ay mataas ang tubig sa naturang ilog.
Nang malamang nawawala ang kanilang mga anak ay agad namang inireport ito ng mga magulang sa Arteche PNP pero ilang oras muna ang nagdaan bago makita ang bangkay ng mga biktima na palutang-lutang sa nasabing ilog.
Unang nakita ang magkapatid na biktima na sina Manilyn at Ronalyn at dinala pa ang mga ito sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Sunod namang nakita ang bangkay ni Ma. Daisy.