BOMBO DAGUPAN- Tatlong mangingisda mula sa bayan ng Subic sa Zambales ang nasawi habang isa pa ang nasugatan matapos sinalpok ang kanilang bangkang pangisda ng hindi pa nakikilalang barko mga 180 milya (289 kilometro) mula sa Barangay Cato sa bayan ng Infanta dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa inisyal na ulat, bandang 4:20 ng umaga, habang naghahanda ang 14 na mangingisda na sakay F/B DEARYN fishing vessel sa pagpapadala ng kanilang mas maliliit na service boat upang manghuli ng isda nang may dumaan na barko na malapit sa kanila bago sumalpok sa kanilang barko na naging sanhi upang tumaob. Nagtulungan ang mga tripulante sa pagliligtas sa isa’t isa, ngunit hindi nakaligtas ang tatlong biktima.
Dahil sa impact, nawasak ang bangka at nagtamo ng matinding pinsala at nagrersulta rin sa pagkamatay ang kapitan at may-ari ng bangka na si Dexter Laudencia, 40 anyos, may asawa , at dalawang iba na sina Romeo Mejico, 38 anyos, may asawa; at Benedick Uladandria, 62 anyos may asawa; lahat ay residente ng Brgy. Calapandayan, Subic, Zambales.
Saad ni barangay Cato, Infanta punong barangay Napoleon Domalanta, hindi pa malaman kung sinadya ngunit hindi umano huminto ang barko upang tulungan ang mga mangingisda.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing pangyayari.