LEGAZPI CITY – Inaalam pa sa ngayon ng mga otoridad ang kabuuang pinsalang naidulot ng nangyaring karambola ng tatlong kotse sa Rizal St., Brgy. Pinaric, Legazpi City.

Sangkot sa naturang aksidente ang sasakyang may plakang NBA 3219 na minamaneho ni Rufo Vibar, 54, residente ng Brgy. Sagpon, Daraga; kotse na may plakang ZSA 277 na minamaneho ng Indian national na si Suresh Singh, 27; at isa pang kotse na hindi pa nakikilala ang may-ari.

Nabatid sa paunang imbestigasyon na binabaybay ng kotse nina Vibar at Singh ang parehong lane na mula sa Daraga patungong Albay district.

Subalit pagdating ng mga ito sa pinangyarihan ng aksidente, binagalan ni Vibar ang takbo dahil sa nagpapatuloy na prusisyon.

Dito na naganap ang pagbangga ni Singh sa kotse ni Vibar habang nadamay rin ang isa pang kotse na nakaparada lamang sa tabi ng kalsada.

Wala namang naitalang nasaktan sa pangyayari subalit inaalam pa kung ano ang posibleng kaharaping pananagutan ng mga sangkot.