-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling ang tatlong katao matapos maaktuhang nagsusugal sa Purok 7, Barangay Don Mariano Perez, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang mga pinaghihinalaan ay sina Bernard Flores Siguian, 55 anyos at dalawang babae na may edad 54 at 32, pawang may- asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa mga kasapi ng Bayombong Police Station, may nagsumbong na concerned citizen sa pulisya sa pagsusugal ng tatlo.

Nang tumugon ang mga kasapi ng pulisya ay nahuli sa aktong naglalaro ng tong-its ang tatlong pinaghihinalaan.

Pinangunahan ni Police Major George Maribbay, hepe ng Bayombong Police Station ang operasyon at nasamsam ang perang halos dalawang daang at dalawang set ng braha.

Ang mga pinaghihinalaan ay dinala sa himpilan ng pulisya at inihahanda na ang kaso laban sa kanila.