-- Advertisements --

Nilabas na ng Department of Transportation (DOTr) ang pangalan ng tatlong senior flag officers na inirerekomenda na maging susunod na commander ng Philippine Coast Guard (PCG).

Pinili ni Transportation Sec. Arthur Tugade sina Vice Admiral Leopoldo Laroya, Vice Admiral George Ursabia, at Rear Admiral Jose William Isaga bilang mga kandidato na papalit sa magre-retirong si Admiral Joel Garcia ngayong araw.

Sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang PCG commander, naipatupad ni Garcia ang “Safety, Security, and Environmental Numbering System” — isang database para sa registered vessels sa iba’t-ibang port area at waterways sa bansa.

Tumulong din si Garcia sa COVID-19 response ng pamahalaan sa pamamagitan ng paghahatid sa health care workers, pati na mga stranded na indibidwal dahil sa quarantine.

“Under the leadership of Admiral Garcia, the men and women of the PCG learned to become indispensable in all efforts to promote the safety of the Philippine maritime sector and the Filipino people,” ayon sa PCG.

Mula naman sa hanay ng mga kandidato, kasalukuyang naninilbihan bilang deputy commandant ng tanggapan si Laroya. Hepe naman ng PCG – Marine Environment Protection Command at Task Group Laban COVID-19 Water Cluster si Ursabia.

Samantalang acting chief ng Coast Guard Staff at commander ng PCG District Southwestern Mindanao sa Zamboanga City si Isaga.

Umaasa si Garcia na ipagpapatuloy ng sino mang papalit sa kanya ang mga nakabinbin pang proyekto ng Coast Guard tulad ng PCG Hospital, K9 Training Center and Hospital, at iba pa.