-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Handa na ang buong pwersa ng Philippine Army upang magbigay ng seguridad para sa May 9, 2022 national and local elections.

Ayon kay Captain Kim Apitong, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army na umaabot sa 3,000 na mga personnel ang kanilang idineploy sa buong Western Visayas.

Kasabay ito ng isinagawang multi-agency send-off ceremony sa Camp Martin Delgado noong Mayo 4 kasama ang Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon kay Captain Apitong, wala pa silang naitala na anumang election-related incident kung saan umaasa sila na magpapatuloy ito hanggang matapos ang halalan.

Aniya, nagsimula na ang ilan sa kanilang aktibidad mula pa noong Mayo 6 kalakip ang pag-inspeksyon sa kanilang mga kagamitan upang maiwasan ang anumang aberya.

Samantala, mahigpit umano nilang tinutukan ngayon ang mga natukoy na areas of concern ng Comelec upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa halalan.

Sa kabilang daku, naging matagumpay naman ang isinagawang province wide final testing and sealing ng mga Vote Counting Machine (VCM) ng Commission on Elections (Comelec)-Aklan, kahapon Mayo 7.

Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng aberya ng apat sa mga VCM kung saan agad namang nagsagawa ng troubleshoot ang komisyon sa isang machine habang ang tatlong iba pa ay ipinadala sa Cebu para sa repair.

Ipinasiguro naman ng Comelec-Aklan na walang dapat ikabahala ang publiko dahil syento porsyento umanong gumagana ang mga VCM na gagamitin sa 327 na barangay sa buong lalawigan.