Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na walang kinalaman sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections ang 3 mula sa 4 na insidente ng karahasan kamakailan.
Base sa reports na ibinahagi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco mula sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, hindi election-related ang insidente sa Cainta Rizal noong nakalipas na linggo kung saan binaril-patay ang 3 barangay tanod na rumesponde sa isang battery complaints laban sa suspek na namatay din kalaunan sa engkwentro.
Gayundin ang insidente noong Agosto 29 sa Datu Salibo, Maguindanao kung saan apat na pulis ang nasugatan at mga salarin na pawang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters(BIFF). Ayon sa Comelec ito ay bahagi ng patuloy na anti-criminality and anti-terrorist operations laban sa local terrorist groups.
Wala ding kaugnayan sa lokal na halalan ang nangyari noong Agosto 29 sa Midsayap, North Cotabato kung saan nasawi matapos barilin ang kakandidato sanang Punong Barangay ng Malingaw na si Haron Dimanes. Itinuturing na away pamilya ang ugat ng krimen dahil ang suspek ay mismong kapatid ng biktima.
Samantala, patuloy naman isinasailalim pa sa validation ng PNP ang pagkamatay ni Barangay San Jose reelectionist chairperson Alex Repato sa Libon, Albay kung saan isang private armed group ang mga salarin sa likod ng pagpatay sa lokal na opisyal.
Sa kabila nito, ipinag-utos na ng Comelec ang pagbuo ng task force sa Libon, Albay at Midsayap North Cotabato bilang augmentation ng pwersa ng kapulisan sa nasabing mga lugar.